Miyerkules, Disyembre 21, 2011

Walang nakukulong sa utang

Si Rosie ay umutang ng P50,000.00 kay Jovita at may pangakong babayaran ito sa loob ng dalawang buwan. Dahil sila ay matalik na magkaibigan hindi na nagpirmahan ng anumang dokumento.

Pagkalipas ng dalawang buwan, naniningil na si Jovita kay Rosie pero humingi ng isang buwang palugit ang huli at pinagbigyan naman ng kaibigan.

Lumipas ang palugit na isang buwan, naningil ulit si Jovita pero hindi na siya pinapansin ni Rosie, hindi na siya nagti-textback, pinapatay na niya ang kanyang celfon kapag tinawagan.  Ang huling textback ay ayaw daw niyang bumayad kasi wala naman daw nakukulong sa utang.

Tanong:
Anong gagawin mo kapag nakatagpo ka ng kaibigan na tulad ni Rosie? Wala na bang remedyo sa batas para ikaw ay makakolekta ng pautang?

Sagot:
May mga taong kaibigan mo habang ikaw ay nauutangan.  Kung wala ka ng pera at maniningil ka na, maging kaaway mo na siya. Kung gusto mo na maraming kaaway, magpautang ka.

Ang remedyo ay huwag mo muna siyang awayin at papirmahin ng simpleng promissory note na patunay ng kanyang pagkakautang.  Siyempre sa promissory note bigyan mo siya ulit ng kalahating buwan para magbayad.

Kapag hindi siya nakabayad sa takdang panahon na nakasaad sa promissory note, magsampa ka kaso sa barangay ng paniningil ng pautang. Sa Katarungang Pambarangay, susubukang magkasundo kayo at kung ayaw pa rin niyang bumayad, kumuha ka ng Certification to File Action mula sa Punong Barangay.

Meron ng tinatawag ng Small Claims Court kung saan  maghaharap sa hukuman ang umutang at nagpautang na walang kailangang abogado.  May mga papeles lang na pipirmahan at nakasampa na ang kaso.  Ang huwes mismo ang hahawak sa kaso.  Maglalabas ang huwes ng desisyon sa kaso at ang sheriff ng korte ang maghahanap ng kasangkapan ng umutang na pwedeng hatakin pambayad sa utang.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento