Biyernes, Disyembre 16, 2011

pledge, pactum commissiorium at dacion en pago


Umutang si Rosario ng P100,000 kay Jennifer at iprenenda ang kanyang diamanteng singsing.  Ang kontrata na pinirmahan nila ay nagsasaad na kung hindi matubos ni Rosario ang singsing sa takdang araw, siya ay pipirma sa isang dokumento para kay Jennifer na nagsasaad na ang singsing ay maging kabayaran ng pagkakautang.

Ang kontrata ba ay naaayon sa batas?

Ang kontrata nila Rosario at Jennifer ay naaayon sa batas.  Ang sinisimangutan ng batas ay ang kontratang kapag hindi nabayaran ang utang, ang kolateral ay ariin ng nagpautang na kabayaran ng kanyang pautang.  Ang sitwasyon na ito ay tinatawag sa Latin ng pactum commissorium.

Sa kaso nila Rosario at Jennifer, kapag hindi nabayaran ni Rosario ang kanyang pagkakautang at hindi niya matubos ang singsing, kailangan niyang pumirma sa isang kasulatan na umaayon siyang ang kanyang ibinigay na kolateral ay maging kabayaran sa kanyang pagkakautang.  Ang tawag naman sa Latin nito ay dacion en pago.  Ang pagkakaiba ng pactum commissorium at dacion en pago ay ang automatikong pagmamay-ari ng nagpautang sa kolateral bilang pambayad sa kanyang pautang. 

Sa dacion en pago kasi, si Rosario ay kailangan pumirma sa kontrata ng dacion en pago na naiiba sa kontrata sa naunang pinirmahan niyang dokumento ng pagkakautang.  Na hindi katulad ng pactum commissorium na kasama sa kontrata ng pagpapautang ang automatikong pagmamay-ari ng nagpautang sa kolateral kapag hindi nabayaran sa takdang oras ang utang.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento