Huwebes, Nobyembre 8, 2012

Transfer of Title


Ang tatay ko po noong nag tatrabaho sa Saudi ay may nabili na house and lot noong 1997 sa Ninong niya sa kasal bago nag migrate sa ibang bansa sa halagang P400,000.00 nagpirmahan sila ng Deed of Sale sa abogado pero dahil kapos na ang pera ng Tatay ko hindi nailipat sa pangalan nila ng aking Ina noon. Ngayon gusto na sana namin ilipat sa pangalan ng Tatay at Nanay ko ang bahay at lupa pinag mumulta pa kami dahil daw matagal na ang Deed of Sale may nagpayo sa amin sa RD sana daw po pinatatakan namin sa RD ang titulo ng lupa noon para daw may record , tama po ba ing sinasabi nila sa amin?

Heto pa po ang aking tanong ako po ay nakabili ng higit kalahating lupa sakahan at nag pirmahan din po kami ng Deed of Sale ng may ari pero balak ko rin po ibenta muli ito sana para po ako makatipid sa gastos ng paglilipat puwede ko rin po ipapatatak na lamang sa RD ang titulo ng lupa para kung may bibili sila na lahat gagastos sa paglilipat?

Sana po ay mabigyan ninyo ako payo at gabay sa mga usapin na ito.

Mga sagot:
Sa unang katanungan.

Sa pagkasalaysay mo, ang transakyon ng tatay mo sa bilihan ng lupa ay tumigil sa pirmahan ng Deed of Sale at pagkanotaryo nito.  Maraming pang pagdadaanang proseso bago mailipat sa pangalan ng mga magulang mo ang papel o titulo ng lupa. 

Una sa Bureau of Internal Revenue (BIR), ang notaryadong Deed of Sale ay kailangan dahil sa BIR para bayaran ang Capital Gains Tax and Documentary Stamp Tax.  Pagkatapos mabayaran ang Capital Gains Tax and Documentary Stamp Tax, magbibigay ang BIR ng Certificate of Authority to Register. 

Pangalawa sa Register of Deeds, dalhin ang notaryadong Deed of Sale at Certificate of Authority to Register sa Register of Deeds para ang bentahan ay mai-register sa kanila.  Kung titulado ang lupa, ang Register of Deeds ang magbibigay ng titulo sa pangalan ng bumili. 

Ang pangatlo sa Assessor’s Office, ang Assessor naman ang magbibigay ng bagong Tax Declaration para sa lupa at para sa bahay na nakatayo sa lupa.  Mayroon ka rin obligasyon na magbayad ng Transfer Tax sa bayan na may sakop sa lupang nabanggit.

Dahil matagal nang notaryado ang Deed of Sale ng parents mo, malaki na ang penalty ninyo sa BIR.  Kailangan kasing mabayaran ang Documentary Stamp Tax at Capital Gains Tax sa loob ng 30 days pagkatapos ng pagka-notaryo ng Deed of Sale.

Sa pangalawang katanungan:

Ayon sa iyong salaysay, nakabili na ng lupang ang kalahati ay sakahan ngunit may balak kang ibenta muli pero may pinirmahan na kayo ng seller na Deed of Sale.

Hindi maliwanag sa iyong salaysay kung ang Deed of Sale na pinirmahan ninyo ng seller ay notaryado.  Tulad ng paliwanag sa itaas, hindi iregistro ng Register of Deeds ang Deed of Sale mo kung wala kang Certification of Authority to Register na galing sa BIR.

Marahil ang tinutukoy mong ipatatak sa RD ang titulo ay registration ng Adverse Claim para hindi maibenta sa ibang tao ng seller mo ang lupang nabili mo.

Para ikaw ay makatipid sa gasto, magpirmahan nga kayo ng seller mo ng Deed of Sale at ito ay ipanotaryo lang muna.  Kung sigurista ka, magregister ka ng adverse claim sa RD tungkol sa bentahan na ito.  Siguraduhin mong papayag ang seller mo na kapag may buyer ka na, pipirma siya ulit ng panibagong Deed of Sale na ang mga partido ay siya at ang buyer mo.  Siguraduhin mo ring hindi muna mamamatay ang seller mo bago ka makahanap ng buyer mo.  Bago marehistro ng buyer mo ang kanyang Deed of Sale kailangan ipa-cancel mo muna ang adverse claim mo.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento